BAKITA AKO?!
Ang mga sumusunod ay sinulat ng may-akda noong Nobyembre 20, 2006. Ito ay usapan sa pagitan nina Boy at Girl.
BAKIT AKO?!
“Bakit kung kailan nakapagdesisyon ka na e tsaka may darating para guluhin ang isip mo?” tanong ni Boy.
Napatingin si Girl. “D’yan papasok ang paninindigan. Worse e pagsisisi,” sagot niya.
“Paano kung wala sa dalawa?”
“Paanong wala?”
“Paninindigan mo pa ba ang desisyong nagawa mo kung alam mong hindi mo na ito ikasasaya?”
“Depende. May mga pagkakataon talagang kailangan mong panindigan ang nagawa mo. Halimbawa, kailangan mong pakasalang yung nabuntis mo.”
“Hindi mo dapat pakasalan yung nabuntis mo. Pakasalan mo yung mahal mo. Panagutan mo yung nabuntis mo. Magkaiba yun.”
“Hehe. Basta alam mo na’ng ibig kong sabihin.”
“Haay ang gulo. Pero ayos lang. Masaya naman ako e.”
“Masayang magulo? Hmmm. Pwede ba yun?”
“Oo. Naguguluhan ang isip ko pero ang puso ko masaya.”
Patlang.
Muling nagwika si Boy, “Ikaw kasi e…”
“Bakit ako?!” laking gulat na tanong ni Girl.
Patlang. Tumayo si Boy. Naglakad palayo kay Girl. Tinignan niya ito at ngumiti.
“Kasi dumating ka sa buhay ko. Salamat.”