SO NEAR YET SO FAR

PANAGHOY NG ISANG PUSONG KAWAWA

tahimik.  sobra.  nakakabingi.  katabi lang kita kanina pero pakiramdam ko ilang milya ang layo natin.

bumibili ako ng sorbetes nang bigla kang lumapit at kalabitin ako.  "gusto mo?" alok ko.  "sige," sagot mo.

naglakad tayo habang inuubos natin ang ating mga sorbetes.  panay kwentuhan.  hindi matigil.  masaya tayong dalawa.

nagyaya akong maupo.  sige sabi mo.  naglalakad-lakad tayo.  hindi naman katagalan at nakakita rin tayo ng mauupuan.  ang sarap sa pakiramdam ang pag-upo matapos ang isang mahabang lakaran.

sa pag-upo natin ay patuloy pa rin tayong nagkwentuhan.  pinagmasdan natin ang mga taong naglalakad sa harapan natin.  tapos bigla akong pumuntang palikuran.  sinabi ko sa iyo antayin mo lang ako.

hindi naman nagtagal at bumalik ako.  pero parang biglang nag-iba ang ihip ng hangin.  pag-upo ko e hindi na naging ganun kasigla ang ating kwentuhan.  maya-maya pa ay tumahimik ka.  parang may isang anghel na dumaan.  patlang.  isang mahabang patlang.

tinanong kita kung may problema.  sabi mo wala.  pero hindi ako mangmang.  at lalong hindi ako manhid.  bakas sa mukha mong may iniisip ka.  malalim.  at hindi mo maitatagong ito ay isang problema.

hindi na muli akong kumibo.  patuloy lang tayong nakatingin sa kawalan.  ang kaninang masayang usapan natin ay nauwi sa isang nakabibinging katahimikan.

nagyaya ka nang umuwi.  hinatid kita sa sakayan papuntang inyo.  pagkasakay mo ay umalis na rin ako.  sumakay ako ng fx na may mabigat na ang puso.  malungkot akong umuwi.  unang pagkakataon.  noon sa tuwing magkikita tayo ay uuwi akong may ngiti sa mukha.  pero ngayon, daig ko pa ang namatayan sa tindi ng kalungkutan.

maya-maya uuwi na ako ng bahay, magbibihis, hihiga ng kama, pipiliting matulog.  alam ko na hanggang sa pagtulog ay bitbit ko sa aking alaala ang malungkot na kanina.

nakaka-depress.

ngayon ko lang nadama ulit ito.

phaksiet.

sana kung anuman ang bumabagabag sa iyo ay mawala na.  hangad ko ang iyong kaligayahan.  sana hindi ito ang katapusan.  kung ito man, ang magagawa ko lang e ang tanggapin at magpatuloy.

magandang gabi, nikki.

Leave a Reply