Archive for August, 2007

WIKANG ATIN

Tuesday, August 14th, 2007

isang gabi magkausap kami ng kapatid ko.  pinag-usapan namin kung gaano kami kamangha sa mga bansang tulad ng hapon at india.  pati tsina.

mahilig akong makinig ng mga kantang gawa ng mga hapon.  hindi ko alam kung bakit pero manghang-mangha ako sa mga kanta nila.

naisip ko lang, bakit sa bansang hapon, mas sikat ang mga kantang gawa ng mga lokal na artista nila kaysa mga banyaga?

mahilig din akong manood ng mga seryeng gawa ng hapon.  j-dorama ang tawag dito.  natatawa ako sa tuwing maririnig ko silang magsalita sa wikang inggles.  kapansin-pansing hirap na hirap sila.  ang titigas ng dila.

naisip ko ulit, bakit hindi "big deal" sa mga hapon kung hindi sila marunong masyadong mag-inggles?

bakit sa mga bansang tulad ng hapon, vietnam, tsina, singapore, malaysia, indonesia at iba pang bansa sa asya ay hindi kahalagahan ang matutong magsalita sa wikang inggles?  kahit ang mga espanyol ay hindi rin gaanong katatas magsalita ng inggles.  ang iba pa nga ay hindi marunong umintindi ng inggles.  kahit mga aleman.  pero ni minsan ay hindi sila hinamak ng ibang bansa o kahit ng mismong kababayan nila.  pero bakit dito sa ating bansa ay kabaligtaran?  bobo ang kadalasang tingin sa mga hindi masyadong marunong mag inggles.  pag hindi ka marunong mag inggles, wala kang lugar sa lipunan.  ang mga kalahok sa miss universe na nangangailangan ng "interpreter" ay hindi kinakikitaan ng kakulangan.  pero subukan ng isang pinoy na magpatawag na "interpreter" at pagtatawanan siya unang-una na ng kanyang mga kababayan.  tsk.

maraming mga magulang ngayon ang tinuturuan nang mag inggles ang kanilang mga anak sa murang edad pa lang.  may kilala akong sa gulang na apat pa lang ay hindi na marunong managalog.  sa una ay nakakamangha.  pero sa huli hindi.  bakit?  kasi lalaki ang batang mangmang at inutil sa sarili niyang wika.  ano pa’t tinawag kang pilipino kung hindi ka marunong magsalita ng filipino?

may mga nagsasabing ang pagka-pilipino ay hindi raw nakikita sa wika.  nasa kultura raw ‘yan.  nasa ginagawa.  nasa ugali.  tanong: labas ba sa kultura ng isang bansa na wika nito?  pag nakarinig ka ng mga salitang "sou desu ka," "arigatou," at "sayonara," alam mong ito’y galing sa hapon.  ang mga salitang "ni haw ma" at "wo ai ni" ay galing naman sa tsina.  samakatuwid, wika ang nagbibigay sa pagkakakilanlan ng isang bansa.  maaari ba nating tawagin ang mga sarili nating pilipino at isasapuwera ang wikang filipino?

"ang hindi magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa malansang isda." - dr. jose rizal.

ano na ang nangyari sa mga kataga niyang ito?

wala na.  hindi na epektibo. 

nasaan na ang ating pagka-pilipino?

ikaw lang ang makakasagot n’yan kapatid.